Tags

, ,

UNANG BAHAGI

Hindi ko mapalalagpas ang buwan ng wika nang hindi sumusulat tungkol sa ugnayan ng dila at pag-unawa lalo na sa pag-aaral ng siyensya.

Bago pa man ang usaping wika dahil sa major major na sagot ni Ms. Philippines sa Miss Universe pageant,  tinangaka ko nang magsulat patungkol sa wika at pag-unawa.  Ang unang titulo ng post na ito ay “On code mixing: why quad-lingual (n-lingual) trumps bi-lingual in science education in the Philippines”. Nakatuon sana ito sa pag-aaral sa sariling wika – Tagalog, Ilokano, Cebuano atbp.

Ngunit sa special issue on Education ng Science (April 2010) hindi lamang pala ang wikang gamit ang importante sa pag-aaral kungdi pati na rin ang kahandaan ng mga guro at mag-aaral sa pag-intindi ng wikang gamit.  Ang focus ng kanilang special issue ay tungkol sa ugnayan ng pagkatuto ng siyensya sa paaralan at sa pag-aaral ng wika – karunungang bumasa’t sumulat or literacy.

Ang bata bang mataas ang literacy ay mabilis din umintindi ng siyensya?  Hindi.

Ayon kay Snow ito ay dahil malaki ang pagkakaiba ng academic language na ginagamit sa siyensya sa pangkaraniwang wikang ginagamit natin sa pang-araw araw [1].  Ayon sa kanya, hindi indikasyon ang kagalingang bumasa sa kagalingang umintindi  kapag ang binabasa ay science, math o social science na babasahin.  Ang proseso ng pag-iintindi ay humihirap dahil sa istruktura ng wika o ng academic language na ginagamit sa mga babasahing ito.

Ayon pa kay Snow, ang pagiging maigsi subalit malaman ang isang katanginan ng academic language na nagbibigay ng dagdag na hirap sa mambabasa.  Dahil karaniwang maigsi: 1) iniiwasan nito ang paulit ulit na salitaan; 2) tumataas ang density ng salitang puno ng mga detalyeng napaka-ispesipiko; at 3) may gramatikong processong ginagamit upang mapaikli lalo ang mga pangungusap.

“Sa isang banda, ang natural na pangungusap ay malaki ang pagkakahalintulad sa wikang ating naririnig – nagsisimula sa pangngalan, ang mga pandiwa (verb) ay nagsasaad ng actions at hindi mga relations, at ang mahahabang pangungusap ay isang sikwensya.”

Ang gramatikong prosesong karaniwang ginagamit sa academic language na sinasabi ni Snow ay tinatawag na normalization.  Ito ay ang paggagawa ng isang maikling sangkap (phrase) mula sa isang pangungusap at pagsisingit nito sa isang pang pangungusap. Nakadadagdag pa ang paghiram ng academic language sa natural na istrakturang sintaktik sa paggamit nito sa mga entities at relasyon. Ito ay hindi pamilyar sa mga walang karanasan sa lengguahing ito.

Kung tutuusin, hindi lang ang mga mag-aaral ang nahihirapan dito. Marami sa mga guro (mapa-high school man o kolehiyo) ay nahihirapan kasama na ang  maraming mga graduate students sa siyensya.

Sa artikulo ni Snow, isang pamamaraan lang ang kanyang minungkahi. At ito ang pag-eembed ng mga all-purpose academic words (halimbawa, data. hypothesis, affirm, etc) sa mga interesting na topics ng pakikipagtalastasan sa iba’t ibang asignatura.  Sa ganitong paraan, magiging pamilyar ang mga mag-aaral.

Hindi madali ang problema sa mismatch ng lenguaheng binanggit ni Snow. Sa ating bansa, lalo pa itong pinalalala ng paggamit natin ng second language sa pag-aaral.  Sa susunod na post (ikalawang bahagi), ilalahad ko ang mga isyung kaakibay kapag ang gamit na wika ng guro at mag-aaral ay parehong hindi nila first language at paano ito masusulusyonan.

[1]  C. Snow, Academic language and the challenge of reading for learning about science, Science 328, 450 (2010). DOI: 10.1126/science.1182597

Advertisements